Babskee


     Hindi pa ako ipinapanganak, alam kong ikaw ang nakatakdang ibigay sa akin ng Maykapal. Tinanggap ko na, nuon pa, na hindi matutupad ang kagustuhan kong masambit mo o matawag mo akong mama, na tingnan mo ako ng diretso sa mata, na makita kang naka-uniporme at papasok sa eskwela, na maihatid ka namin ng iyong ama sa altar para maikasal.       

      Hindi madali ang pagtanggap sa isang masakit na katotohanan, kung meron lang sanang pagpipilian.  Kung pwede lang ibalik ang mga oras.  Kung pwede lang malaman ang mga kasagutan sa mga katanungan ko: Bakit? Anung nangyari? Sinong may kasalanan?          

      Lagi kong naririnig ang mga katagang mas magiging madali ang lahat kung matututunan na lang na tanggapin ang mga bagay na hindi natin kayang baguhin. Marami kang binago sa pananaw ko sa buhay anak.  Mas naging matatag ako sa mga dumadating na problema.  Walang pasakit ang makakapagpadapa sa akin, walang paghihirap na hindi ko kakayanin. Nang dumating ka sa buhay ko, mas naging malapit ako sa Panginoon.       

      Masaya ako dahil nararamdaman ko ang pagmamahal mo kahit hindi ko ito naririnig sayo.  Marami sana akong gustong malaman.  Anu kaya ang naging paborito mong kulay? pagkain? cartoon character? laruan? damit? libro? ugali ko na namana mo? bulaklak? bag? sapatos?  
     
      Pero ang lahat ng ito ay mananatili na lang na katanungan sa isip ko. Sa pagdaan ng mga taon, naisip ko na ang pinakamahalaga sa akin ay ang kapiling kita... at gumaling ka sa karamdamang hindi ko inakalang magkakaroon ka. 

      Hindi ko alam kung ano ang naging mali habang ipinapanganak kita.  Pero ipinapangako ko na aalagaan kita habang ako'y nabubuhay. Poprotektahan kita sa kasamaan ng mundo, dahil mananatili kang malinis at walang malay.  Sa lahat ng paghihirap na pinagdaanan natin... Anuman ang dahilan ng Panginoon... ay nananalig ako sa pagmamahal at Salita Nya. At isang bagay lang naman ang sigurado ako.   
     
     Isa kang napakalaking biyaya mula sa Itaas.  Isa kang espesyal na regalo mula sa Maykapal. Mahal na mahal kita anak.

Babskee is a natural beauty.  This is not a real make-up, this was done thru an app in my cellphone - Perfect 365